?

Log in

Fuji-chan =3
18 September 2012 @ 07:43 pm
Para sa akin, ang pagkakaroon ng relihiyon ay dapat nasa sariling pasya ng tao. Ito ay isang personal na relasyon sa Diyos dahil ikaw lamang ang nakakaalam ng pagkaintindi mo sa Kaniya. Ang relihiyon din ay pagdiriwang ng paniniwala sa Diyos. Dahil dapat ikaw ang nagpasyang maniwala sa Diyos, ikaw rin ang nagpasyang gawin ang mga kinakailangan para mas unawain ang Diyos. Kaya natin pinag-aaralan ang misteryo ng kapangyarihan Niya at ginugunita ang misa bawat linggo.

Ngunit noong araw, ganito rin kaya ang pagkakaroon ng relihiyon, lalo na noong panahon ng Kastila rito sa Pilipinas? Bakit parang hindi ito ang pinapakita ng Manual de Confessionario?

At bocor sa gayong tantong pagsisiping ninyo. Sa ibang manga arao, at horas di cayo din nagbibiro, at nag-lalaro naming maralas?
At doon sa inyong pag-bibiroan dili din minsang nag-bubucang bibig lamang cayo, at cun minsan cayo, I, nagyayacpapan, at naghahalican, at nag-hihipoan din nang boo ninyong catauan, na ualan di hihipoin cayo?
At nilabasan caya ang catauhan mo nang marumi?
Pinalabasan mo naman ang caniya?


Nang binasa ko ang Manual, nahirapan kong tapusin ito hindi dahil sa nakasulat ito sa wikang Kastila, kundi dahil bumibigat ang aking pakiramdam. Mukhang ang layunin ng mga tanong ay malaman ang buong buhay mo; lahat ng detalye hanggang sa mga sikretong ayaw mong sabihin kahit sa pinakamalapit mong kaibigan. Napakaraming tanong subalit iisa lamang ang paksang nais malaman. Syempre, nakakasikip ng pakiramdam kung ito ang mga itatanong sa iyo.

Yaong galit mo sa caniya ay naparati caya sa loob mo? Magcano caya ang pagcalaluon? At gaanong pagcalalim niyong dalan loob mong masama sa caniya?
Mey nalason cang tauo, cun nagbabantang lumason sa alinman? Maca hungmatol cang lumason sa iba, cin casapacat ca sa gayong casamang gaua?
Ano caya ang banta mo doon sa paglason? Ybig mo caya na mamatay yaong nalason mo, cun magcasaquet lamang? At ynaano caya siya nang lason?


Swerte na lang ako at puwede akong huminto sa pagbabasa kung hindi ako komportable, pero dati ito ang mga tinatanong sa kumpisalan. Kailangan talagang sagutin ang mga ito; wala kang magagawa kundi iharap ang walang hiyang mukha mo sa kumpisalan. Iisa-isahin ang mga detalye ng buhay mo para lang masabi na nakausap mo ang Diyos at nakapag-kumpisal. Sa tingin ko naman walang masaya o nasasabik na pumunta sa kumpisalan noon, dahil magtitiis nanaman nila sa mga tanong na paanuman ay pumapasok sa isipan nila hanggang makuha ang tamang sagot. Ano ba ang tamang sagot? Dito papasok ang kapangyarihan ng mga prayle.

Malaki talaga ang impluwensya ng mga Kastila noong dumating sila rito. Binigyan nila tayo ng mga pagkakaabalahan tulad ng relihiyon para mas madali tayong sakupin. Mga prayle ang namahala sa mga barangay at parokya, at sila ang nagbigay ng mga naghalong legal na batas at batas ng Diyos. Sunod-sunuran naman tayong mga Pilipino at ito ang naging sentral ng ating buhay. Tumagal ito ng tatlong daang taon kaya nakaiwan na ng bakas sa atin ang ganitong klaseng pag-iisip, na ang lahat ay galing sa prayle, na galing sa kanila ang sagot para sa Kaligtasan. Kailangan natin sumunod dahil ito ang sabi ng mga prayle; sabi ng mga prayle mas lalapit tayo sa Diyos kapag ito ang gagawin; ‘wag galitin ang prayle dahil mapupunta ka sa impiyerno.

Dahil dito, hindi natin nakita ang tunay na kahulugan ng pagkakaroon ng relihiyon, na ito ay isang personal na relasyon sa Diyos. Ang nangyari tuloy, itinayo galing sa takot at puwersa ang relihiyon para sa atin; kailangan pa tayong takutin at pilitin ng mga prayle sa kanilang sermon na gawin ang kinakailangan para “tanggapin” at “mahalin” tayo ng Diyos. Kailangan gawin ang lahat ng sinasabi ng prayle sa kaniyang sermon; kailangan sagutin ang lahat ng tanong para sa kapatawaran. Napabayaan natin ang mga prayle na patakbuhin ang buhay natin.

Makikita sa Manual ang kapangyarihan ng "relihiyon" noong araw.
 
 
Fuji-chan =3
08 September 2012 @ 06:39 pm


Habang nakabukas ang DISCS Moodle website para ibigay ang proyekto ko sa CS at ang twitter para tignan kung may mga paalala na ibibigay si Sir Samar, may bigla kong naisip. Ang bagong teknolohiya ay nagpapabilis ng buhay natin subalit maaaring nakababagal rin ito sa atin, sa literal na aspekto. Dahil may internet na, nagiging madali na ang papapadala ng mga mensahe sa isa’t isa. Nagiging mabilis at libre na rin ang malawakang pagpapadala ng impormasyon, kumpara sa dating paraan. Kaya na rin ang multi-tasking: sabay-sabay nang gagawin ang mga gawin. Maaari nang makipag-chat sa mga kamag-anak at kaibigan natin sa Dubai o sa Amerika habang nags-Skype sa mga kaklase natin. Makakausap mo na ang buong mundo nang mabilis at walang bayad sa isang upuan.

Dahil dito, napupunta na sa mundo ng internet ang edukasyon. Nilalagay na ng ilang mga guro ng mga takdadng aralin sa internet o kaya dun na rin ginagawa ang mga pagkonsulta. Para sa akin, malaking tulong ito dahil tipid ito sa papel, tinta, at oras. Madali rin itong maalala dahil nasa internet na ito, lalo na kung nakalagay ang takda sa mga sikat na website tulad ng Facebook at Twitter.

Subalit naaabuso ng mga guro at mag-aaral ang sobrang oras dulot ng bilis ng internet. May ilang mga guro na nilalagay ang takda tuwing gabi na o kaya madaling araw na. Kawawa naman ang mga mag-aaral na naghihintay buong hapon at gabi para lamang makuha ang takda. Paano yung mga iba na prepaid card pa rin ang gamit, o kaya wala talagang interet? Maaaring hindi na nila makita ang takda at mapapagalitan pa sila sa susunod na araw dahil hindi nila nagawa. Tama at responsibilidad ng isang mag-aaral na gawin ang kaniyang takda ngunit hindi maganda sa kaniyang kalusugan ang nakatutok sa harap ng kompyuter buong araw para lang hintayin ang takda. Hindi rin nila magagawa ang iba nilang kailangang gawin dahil dito.

Maaari ring tamarin na ang guro sa pagtuturo sa silid-aralan dahil puwede naman niya ilagay ang mga leksiyon sa internet. Dahil dito, maaaring hindi na magkaroon ng klase, at mawawala ang harapan na komunikasyon ng guro at sa mga mag-aaral niya. Kapag nangyari ito, maaaring hindi na tuluyang maintindihan ng mga mag-aaral ang kanilang inaaral; mawawalan din sila ng patnubay mula sa kanilang guro para harapin ang hinaharap.

Syempre, hindi rin mawawala ang mga tamad na mag-aaral na ginagawa lamang ang mga takda kapag nalalapit na ang huling araw. Kaya nga sila pumapasok para matuto silang gamitin nang tama ang oras, subalit nagiging sagabal ang bilis ng internet. Nagpo-post na lamang ang mga mag-aaral sa huling minuto. Kawawa rin ang mga guro, lalo na ang mga hindi sanay sa paggamit ng computer at internet. Ang gagawin ng mag-aaral ay hihintayin ang huling minuto bago madaliin ang takda at ipasa. Kung maraming mag-aaral ang gagawa nito, maaaring mapuno ang email ng guro dahil sa dami ng pagtanggap ng mga email sa maliit na oras. Maaaring mapunta ang iba sa spam mail at masabi ng guro na walang naibigay ang mag-aaral.

Hindi nawawala ang pagiging Juan Tamad natin kahit na malaki ang impluwensiya ng makabagong teknolohiya sa buhay natin. Makapangyarihan ang oras, dahil patuloy lang itong umuusad at wala tayong kakayahan para makontrol ito. Makapangyarihan din ang internet, dahil ito ang magpapadala sa atin sa makabagong panahon. Ang hamon para sa atin, na para sa akin ay napakahirap gawin, ay gamitin ang mga ito sa tamang paraan.
 
 
Fuji-chan =3
Isa sa mga kinikilalang pag-uugali ng mga Pilipino ay ang pagiging magiliw natin sa pagtanggap ng mga bisita. Naaalala ko pa ito sa aking klase ng Sibika noong elementarya na isa ito sa mga pinagmamalaking asal ng mga Pilipino. Pinapakita ng kulturang ito ang pagiging bukas natin sa ibang tao, ibang kultura, ibang bansa, o kaya sa ibang mundo. Mabilis at madali tayo makipagkaibigan dahil sa paraang ito. Subalit kahit ito ang kulturang tatak-Pilipino, ito rin ang maaaring makasira sa katauhan ng mga Pilipino.


Ang pagiging magiliw natin ay maaaring isang paraan ng pagpapaalipi sa mga bisita. Halimbawa, nagpapagod tayo para lamang makahain ng masarap na pagkain para sa kanila o kaya maihanda ang kuwartong tutulugan nila. Lilinisin ang buong bahay at itatago ang anumang sira o pangit na gamit. Gaya ng sinabi ni sir, nag-uutang pa tayo sa kapitbahay para mabili ang kinakailangan para ayusin ang bahay. Tayo ang nawawalan para lamang may maibigay tayo sa mga bisita natin. Nagmukha na ang bisita ang amo natin. Naaalala ko ang naranasan ko noong bumisita kami sa pamilya ng kaibigan ng tatay ko sa Amerika. Napilitan ang anak niya na matulog sa kuwarto nilang mag-asawa para may kuwarto para sa akin at sa kapatid ko.

IMG_3300
Ako, ang aking kapatid, at ang anak ng kaibigan ng tatay ko

Maaaring ito rin ang dahilan kung bakit nasakop tayo ng mga Kastila. Dahil nagkaroon tayo ng magandang relasyon sa mga karatig na bansa, maaaring inakala natin na magkakaroon din tayo ng magandang relasyon sa mga Kastila kaya binuksan natin ang sarili natin para maipakita na makapagkakatiwalaan tayo. Naghanda tayo para madali at maginhawa ang pananatili ng mga Kastila; sinundan natin ang anumang hiling nila para sa maayos nilang pananatili. Subalit inabuso naman ito ng mga Kastila.

Tuluyan tayong napunta sa ibaba nang masakop tayo. Naging pilit na ang pagbabahagi natin ng oras, pagod at gamit para sa kanila. Tuluyan na naging alipi tayo sa bisita natin. Hindi lamang natin pinabayaang masakop at baguhin ang sistema ng gobyerno, kundi pati ang panlipunang kaugalian ay binago rin ng mga Kastila. Kung dati, pantay-pantay ang lahat ng tao, naglagay na ng sistema ang mga Kastila at inilagay tayo sa pinakababa. Ang mga dati pang naninirahan sa lupa ang tinganggalan ng mga karapatan. Nagkaroon ng diskriminasyon sa mga babae; tulad ng sinabi ni Bonifacio na dati, marunong magbasa at magsulat ang mga babae subalit noong panahon ng Kastila, hindi na sila nakakapag-aral. Pati paniniwala ay pinabago rin natin ayon sa mga Kastila. Sinabi rin ni Bonifacio na “iminulat tayo sa isang maling pagsasampalataya.” Naniniwala na tayo sa mga paganong diyos nang dumating ang mga Kastila at ipinakilala ang Katolikong Diyos.  

Sa 300 na taon, naging sunud-sunuran na lamang tayo sa mga Kastila sapagkat inabuso nila ang ating pagtanggap nang dumating sila rito. Nais lamang natin na maging maganda ang pananatili nila rito, kaya kahit nagtagal sila ng 300 na taon ay patuloy pa rin tayo sa pag-aabala para sa kanila. Patuloy nating iniisip na may importansya ang sinumang bumibisita sa bahay natin; kailangan pa natin mag-ayos para maramdaman ng mga bisita na sila ang may kapangyarihan sa kinatatayuan nilang bahay na hindi naman kanila. Dahil dito ay lumaki rin tayong iniisip na mas mataas at magaling ang mga banyaga. Maaaring ito ang naging dahilan para sa colonial mentality, subalit ibang usapan na iyon. 
 
 
Fuji-chan =3
23 June 2012 @ 10:21 am
Noong bata ako, nahilig akong magbasa ng mga kuwentong bayan, lalo na ang mga alamat. Ito ang mga uri ng patulang kuwento na inilalarawan kung paano nagkaroon o nagsimula ang mga tiyak na bagay sa mundo.

P6160481

Bakit ang pinya ay may maraming 'mata'? Ang alamat na ito ay tungkol sa batang hindi masunurin. Nang magkasakit ang nanay niya, kinailangan niyang matutong magluto at gawin ang mga gawaing-bahay. Isang araw, hinahanap ng bata ang sandok para magsimulang magluto. Nagalit ang nanay niya dahil alam niyang tamad at makakalimutin ang anak niya. Sumagot ang nanay na sana tubuan ng mata ang buong katawan ng bata para mahanap niya ang sandok. Biglang nawala ang bata at nakita na lamang siya ulit noong may nakita silang kakaibang prutas na tumutubo sa likod ng bahay na may maraming ‘mata’. Kahawig nito ang di masunurin na bata at dito nagsimula ang buhay ng pinya.

P6160482

Totoo pala ang kasabihang 'abot-langit'. Noong araw, ang langit ay nasa layong kayang abutin ng mga tao, kaya madaling kausapin ang mga diyos. Mabilis marinig ang mga panalangin nila at mabilis ding ipinatutupad ito. Lumaking tamad ang mga tao dahil nakukuha nila agad ang lahat ng gusto nila, kaya nagkaroon ng kasunduan na bibiyayaan lamang ng mga diyos ang mga taong nagsisikap. Nagsikap ang mga tao at naging mabuti ang kanilang tanim para sa buong taon. Nagsaya ang mga tao sa pamamagitan ng piesta. Habang ginagawa ang Sayaw ng mga Mandirigma, natusok ang isang diyos nang hindi sinasadya nang iniangat ang hawak na sibat. Lalong nagalit ang mga diyos at tuluyan na silang lumayo sa itaas. Mula noon mahirap na silang abutin at mahirap na rin iparinig sa kanila ang mga panalangin ng mga tao.

P6160480Mayon~volcano

Sinong mag-aakala na dating tao pala ang Bulkang Mayon? Ito ay tungkol sa buhay pag-ibig ni Magayon, ang anak ng datu. Maganda ang ibig sabihin ng pangalan niya sapagkat siya ang pinakamagandang dalaga sa lugar niya. Marami siyang manliligaw, subalit tanging si Ulap lamang ang nakabihag ng puso niya dahil iniligtas niya si Magayon noong muntik na siyang malunod sa ilog. Nagalit si Hepe Pagtuga, isa sa mga manliligaw, nang ikakasal na sina Magayon at Ulap. Binihag niya ang tatay ni Magayon at para pakawalan siya ay kailangan sila ni Magayon ang ikasal.

Nang dumating si Ulap upang tigilin ang kasal, nagkaroon ng away sa pagitan ng dalawang panig. Umulan ng mga pana at namatay agad si Hepe Pagtuga. Diretso sa puso ni Magayon ang tama ng ibang pana kaya namatay rin siya agad. Niyakap ni Ulap ang namatay niyang kasintahan bago rin siyang bawian ng buhay. Inilibing nang magkasama sina Magayon at Ulap kasama ang mga naibigay na regalo ni Pagtuga. Tumubo rito ang isang bulkan. Tuwing pumuptok ang bulkan, sinasabi na nagagalit pa rin si Pagtuga sa nangyari. Ang Pagtuga sa Bicolano ay ‘pumuputok na bulkan’. Gumanda ang hugis ng bulkan pagkalipas ng panahon. Inihambing ito sa kagandahan ni Magayon kaya ipinangalan itong Bulkang Mayon. Tuwing magkadikit ang ulap sa bulkan ay sinasabing muling nagsasama sina Magayon at Ulap. Tuwing umuulan naman ay sinasabing umiiyak si Ulap sa pagkamatay ni Magayon.

290px-Carabao276206341_74ddd5436f

Anong mangyayari kung ang nakuha mong damit ay hindi sa iyo? Ito ang nangyari kina Kalabaw at Baka. Noong araw, magkaiba ang itsura nina Kalabaw at Baka. Itim ang damit ni Baka at kayumanggi kay Kalabaw. Nagtatrabaho sila sa bukid ni Mang Damot buong araw nang walang ligo at pahinga, kaya pagod sila at mabaho. Nang nakatakas sila sa maramot na magsasaka, tinanggal nila ang mga damit nila at naligo. Bigla naman dumating si Mang Damot na naghahanap sa kanila. Nagmadali silang umalis at naghiwalay para hindi sila mahuli.

Napansin ni Kalabaw na sumikip ang kaniyang damit. Nakita niya na nakuha pala niya ang itim na damit ni Baka. Napansin naman ni Baka na lumuwag ang damit niya, lalo na sa leeg. Nakuha niya ang kayumanggi na damit ni Kalabaw. Hindi na sila nagkita muli, kaya mula noon, itim ang mga kalabaw at kayumanggi o puti ang mga baka.

Nailalahad ang mga alamat ang isang panig ng kultura ng Pilipino. Napagtanto ko na ang alamat ay hindi lamang isang uri ng kuwentong bayan, kundi isa rin itong panitikan ng pagtatapat. Nagtatapat ang mga Pilipino sa pamamagitan ng mga alamat na may mga ilang bagay sa mundo na mahirap ipaliwanag kung bakit ganiyan ang mga katangian nito; na ang paraan lamang na masagot ito ay gumawa ng kuwento at bigyan ng relasyon ang mga iba’t ibang bagay sa paligid. Bago dumating ang Rebolusyon ng Industriya, sa kailikasan nagdedepende ang mga Pilipino, kaya karamihan ng mga tauhan ng alamat ay mga anak ni Inang Kalikasan.

Galing sa alamat ng pinya, nabigyan ng relasyon ang parte ng katawan natin sa prutas, na wala talagang koneksyon. Sa alamat ng langit at lupa naman, napakita rito ang paniniwala ng mga Pilipino sa mga diyos o sa mga malalakas na nilalang na nagdidikta ng buhay nila, ngunit nasasalat ang mga diyos dito. Hindi rin naman mawawala ang romansa bilang paksa sa Alamat ng Bulkang Mayon. Naipapakita rito na ang kapangyarihan ng pag-ibig ay nakaka-gawa ng mga magagandang tanawin. Para naman kina Kalabaw at Baka, naging damit ang kanilang balat; madaling tanggalin at madaling palitan.

P6160484

Tulad ng mga pabalat ng mga librong ito, makukulay ang mga kuwentong bayan at kultura ng mga Pilipino.
 
 
Fuji-chan =3
06 March 2012 @ 06:39 pm
Ang buhay ay maraming interpretasyon at pagtutulad. “Ang buhay ay parang gulong.”, “Ang buhay ay parang roller coaster.”, "Ang buhay ay parang nakasakay sa elebeytor." Minsan, masaya ka. Minsan naman, malungkot ka. Minsan, pakiramdam mo ay nasa tuktok ka. Minsan, nakabaon ka sa ilalim ng lupa. Kung mapapansin ay lagi na lang tintingnan ang buhay sa emosyonal na aspekto. Tuwing may naaalala ang mga tao, ibinabatay nila ito sa emosyon na nararamdaman nila para gunitain ang mga pangyayari sa kanilang buhay.

Hindi ba ang sarap sumakay sa roller coaster at maramdaman ang adrenaline na umiikot sa katawan natin?

Paano kung itulad ang buhay sa isang uri ng panitikan?

Ang epiko ay kinikilala bilang isang uri ng tula na isinasalaysay ang napakahabang paglalakbay ng isang tao. Sa simula ng kuwento, ang bida ay aalis sa bahay niya upang gawin ang mga gawaing kinakailangan. Marami siyang sagabal na pinagdaraanan, at maaari lamang siya tumawid kapag natupad niya ang mga mahihirap at imposibleng trabaho.

Kung minsan, ang mga abentura na ito ay nagbubukas sa isip at puso ng bida. Ang mga ito ay nagbibigay-linaw rin sa kaniya kung ano ang tunay niyang layunin sa buhay. Sa paglipas ng panahon, marami nang nangyayari sa kanya; at dahil dito mas nakikilala niya ang kanyang sarili.

Hindi ba iyon na rin ang ginagawa natin? Laging may harang na sumasalubong sa bawat hakbang natin at malulutas lamang ito kung tayo ay magtapang at harapin ang anumang kailangang gawin. Kung suwertehin, maaari pa natin malagpasan ang mga kinatatakutan natin. Nakikilala natin ang ating sarili sa pagkilala ng ibang tao, na kung minsan ay nagiging kaibigan pa natin. Sa mga karanasan natin, natututo tayo kung ano ang tama sa mali, at kung ano ang nakakasakit o nakakapagbigay ng saya sa atin. Mahaba rin ang paglalakbay na ito, dahil hindi tayo nakasisiguro kung kailan ang katapusan ng buhay natin.

Katulad ni Prinsipe Manawari, naniniwala siya na ang buhay niya at ang mga pangyayaring nararanasan niya ay nakaayon sa Dakilang Manunulat. Ganyan din tayo. Ang buhay natin ay nakasulat bilang isang epiko na maraming ekspedisyon ang dinadaanan bago makaabot sa tanging layunin natin. Ang bawat alaala ay nakatago sa papel at tinta na ginagamit ng Dakilang Manunulat, ang Diyos.

Ang buhay ay parang epiko.



Ano na kaya ang susunod na isusulat ng Dakilang Manunulat?