You are viewing fuji_chan

 
 
22 September 2012 @ 09:03 pm
Maghahalo rin ang Kemikal at Pintura  
Naging pamantayan na ng lipunan ang pag-iisip na magkaibang paksa ang sining at agham. Kapag sining ang pinag-uusapan, ang naiisip ay mga malilikhaing gawa tulad ng pagguhit, ilustrasyon, pagpinta, pagsusulat ng tula, maikling kuwento, nobela at marami pang iba. Imahinasyon ang pangunahing ginagamit para rito, kaya makikita ang malayang daloy ng mga ideya tulad ng pagiging abstrak. Kapag agham naman, mga saliksik, pag-aaral, at teknikal na salita ang naiisip. Ginagamit naman ang bahagi ng lohika sa pag-iisip ng mga tao dahil ginagamitan ito ng mga teorya at mga batas pagdating sa mga eksperimento at mga pag-aaral.

Subalit may napansin ako sa mga anyo ng sining noong araw. Ang mga pinta ni Fernando Amorsolo at Juan Luna at ang mga tula nina Balatagtas at Jose Dela Cruz ay parang may sistemang sinusundan; wala ang malayang daloy ng imahinasyon. Mayroon ding mga batas na sinusundan para sa paglikha ng sining.

---

Para sabihing maganda ang mga pinta noong araw, may mga batas na kailangang sundan. Kailangan tama ang brightness, contrast at kombinasyon ng mga kulay; dapat mayroong perspective: maliliit ang mga bagay sa malalayo habang malalaki ang mga malalapit na bagay. Naaalala ko pa ang laging sinasabi ng guro ko sa Practical Arts noong elementarya na lagyan ng mga lines of perspective bago simulan ang pagguhit. Mas maganda kapag nagmumukhang totoo ang mga detalye sa obra. Kung makikita sa mga ilang halimbawa, napakagaling ang pagsagawa ng kakayahan nila sa pagpinta.

Botong Francisco - first mass at limasawa
First Mass at Limasawa ni Carlos Botong Francisco

antipolo
Antipolo Fiesta ni Fernando Amorsolo

P1100514
Don Perez de Dasmarinas ni Felix Resurreccion Hidalgo

pakil-paete-angono-088
Angono Fisherman's Festival ni Jose "Pitok" Blanco

Alam mo ba? Mga kapitbahay ni Mang Pitok ang lahat ng tao roon. Pinuntahan niya sila isa-isa para ngumiti at maging modelo sa kaniyang pinta. Kung lumapit ka sa obra, makikita mo ang mga detalye at emosyon sa mga mukha nila.

Blanco Museum (52)

Blanco Museum (56)

Alam mo ba? Magagaling na pintor ang buong pamilya ni Mang Pitok Blanco. Naalala ko noong Grade 4 na pumunta kami sa bahay nila sa Angono na museo rin ng kanilang mga obra. (Pumunta ka rin! 312 B Ibañez Street, Angono, Rizal) Magaganda ang gawa nilang lahat lalo na ang bunsong anak ni Mang Pitok na si Peter Paul. Nakikita ko ang kaniyang hilig sa pagguhit sa murang edad, pati ang husay na kasama rito.

4675400450_7fc8aeb0f5_o
Ito ang gawa ni Peter Paul noong anim na taong gulang siya. Daig niya ang stick figures ko.

luna - spolarium
Spoliarium ni Juan Luna

Alam mo ba? Noong makita ko ang Spoliarium sa National Museum, napanganga ako sa sobrang laki at ganda ng obra. Halos isang bahagi ng kwarto ang laki, kaya naglalakad ako habang pinagmamasdan ang sugat at dugo sa sahig. Kitang-kita ko rin ang magandang paghahalo ng mga kulay para magmukhang sakit at takot ang emosyong naipapakita sa pinta. Pakiramdam ko ay kasama ako sa pighati at parusa na nararamdaman ng mga tao roon.

Kung mapapansin ay parang may karaniwang paksa ang mga pintang ito. Kung hindi kasaysayan, relihiyon ang ginagawang paksa. Dati kasi, ang paggawa ng mga malikhaing gawain ay pagkopya lamang ng kung anong nakikita ng mata nila, hindi kung ano ang nakikita ng isipan nila. Naalala ko ang puna sa akin ng guro ko nang pumunta ako sa summer classes para sa sining, "Draw what you see, not what you think." Hindi nasusunod dito ang paggamit ng imahinasyon sa tao. 

---

Kapag gagawa ng malikhaing gawa gamit ng mga salita, may mga batas din na sinusundan. Para maging tula, kailangan may tugma ang dulong salita ng bawat taludtod, at may sariling batas pa para rito. Hindi lang dulong salita ang pinapansin kundi pati ang pagpapantig ng mga taludtod. Pitong pantig bawat taludtod ang Tanaga habang walo sa Dalit; ang Tanaga ay hango sa tulang Hapon na Haiku, habang tulang pagpupuri sa Diyos ang Dalit. Walong pantig din ang Korido habang labindalawa ang sa Awit; ang dalawang ito ay mahabng kuwento na patula. Noong panahon nang hindi pa tayo sinakop ng mga Kastila, mga pabigkas na akda ang pinakamaagang malikhaing gawa gamit ng mga salita. Ito ang mga bugtong, salawikain at epiko; may mga batas pa rin itong sinusundan para maging tanggapin ang mga ito.

Ang pinakasikat na Awit ay ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, habang ang pinakasikat na Korido ay ang Ibong Adarna ni Jose Dela Cruz. Namamangha ako at nagagawa nilang ikabit ang kanilang mga sasabihin sa saktong bilang ng pantig.

Sipi mula sa Florante at Laura (Para Sa Babasa Nito)
Salamat sa iyo, o nanasang irog,
kung halagahan mo itong aking pagod,
ang tula ma'y bukal ng bait na kapos,
pakikinabangan ng ibig tumarok.
Kung sa biglang tingi'y bubot at masaklap
palibhasa'y hilaw at mura ang balat
ngunit kung namnamin ang sa lamang lasap,
masasarapan din ang babasang pantas.

Sipi mula sa Ibong Adarna (Pagpapatuloy Ng Mga Pagsubok)
Pinawalan na ngang lahat
parang isdang pumupusag,
Haring Salermo'y naghayag
ng ganitong bagong antas:

"Sa aking pag-aagahan
sa umaga'y kailangang
mga Negrito at datnan
sa hapag kong kinakanan."

Alam mo ba? Maraming tao ang nagpapagawa ng mga liham ng pag-ibig kay Jose Dela Cruz dahil sa galing niya tumula. Ang tanging bayad na hinihingi niya ay sisiw, kaya binansag siya na "Huseng Sisiw". Siya rin ang guro at nagpukaw kay Balagtas sa pagtutula.

Ang bugtong ay ang Pilipinong bersiyon ng mga palaisipan. Patula ito at kailangan ang "pag-iisip sa labas ng kahon" para sagutin ang mga ito. Nakagugulat isipin na ang mga pabigkas na akda tulad nito ay ginagamit pa rin hanggang ngayon. May mga tindahan ng libro na mayroong mga libro para sa bata na puro bugtong at salawikain ang nilalaman. Hindi ko rin makakalimutan ang mga panahon dati noong nagtatanong o sumasagot kami ng mga kaibigan mo ng mga bugtong.

Palda ni Santa Maria. Kulay ay iba-iba. (Bahaghari)
Dalawang batong itim, malayo ang mararating. (Mata)
Sa isang kalabit, buhay ang kapalit. (Baril)

---

Tulad ng agham na may mga teknikal na batas para maging maayos at malinis ang paggawa ng mga eksperimento, ganito rin ang paggawa ng mga malikhaing gawain. Nagbago na lang ang kahulugan ng sining pagdaan ng panahon na puwede na ito maging abstrak at magulo. Baka hindi talaga gaanong magkaiba ang sining at agham.

Sanggunian:
"Angono's Art Museums: The Blancos." ~manila, You're Not That Ugly. N.p., 13 June 2010. Web. 22 Sept. 2012. <http://manilarat.montalut.com/2010/06/angonos-art-museums-the-blancos/>.
Balagtas, Francisco. "Pagpapatuloy Ng Mga Pagsubok." Ibong Adarna. Quezon City: Phoenix House, 2011. 674-706. Print.
"Fernando Amorsolo." Wikipedia. Wikimedia Foundation, 19 Sept. 2012. Web. 22 Sept. 2012. <http://en.wikipedia.org/wiki/Fernando_Amorsolo>.
"Florante at Laura/Kabanata 2." Wikibooks. N.p., n.d. Web. 22 Sept. 2012. <http://tl.wikibooks.org/wiki/Florante_at_Laura/Kabanata_2>.
"Mga Halimbawa Ng Bugtong." Mga Halimbawa Ng Bugtong. N.p., n.d. Web. 22 Sept. 2012. <http://pinoykultura.com/20090724/mga-halimbawa-ng-bugtong/>.
"Sights: National Museum-National Art Gallery & Luneta Park." Sights and Spices. N.p., 24 Aug. 2012. Web. 22 Sept. 2012. <http://sightsandspices.blogspot.com/2012/08/sights-national-museum-national-art.html>.
"SkyscraperCity." SkyscraperCity. N.p., 7 Sept. 2009. Web. 22 Sept. 2012. <http://www.skyscrapercity.com/showpost.php?s=3afdcc92083493a342bc98e09bcce977>.
"This Old House." The Blanco Museum in Angono Rizal. N.p., 5 Sept. 2011. Web. 22 Sept. 2012. <http://freakofnaturezzz.blogspot.com/2011/09/blanco-museum-in-angono-rizal-part-3.html>.

 
 
 
( 1 poke received — Poke me. )
Edgar Calabia Samarecsamar on September 28th, 2012 04:12 am (UTC)
Dahil sa sigasig at layuning makapagtanghal ng buong entry kaya binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!
( 1 poke received — Poke me. )