?

Log in

Fuji-chan =3
20 December 2020 @ 09:12 pm


This is a never ending story. Open the book and you're trapped forever.

INTRODUCTIONSCollapse )
 
 
Fuji-chan =3
02 November 2019 @ 02:33 pm

Newer fanfictions and stuff are now posted @@[info]fuji_to_yuuki


CLICKCollapse )
 
 
Fuji-chan =3
11 October 2012 @ 08:52 pm
Ang susunod na entri ay dalawang magkaiba subalit magkahawig na pangyayari. Nakita ko na magkatulad sila sa pamamagitan ng ilang tagpuan sa Walong Diwatang Pagkahulog ni Edgar Samar. Ang naka-italicize ay ang karanasan ko noong umakyat ako sa bundok ng Banahaw kasama sa Educational Outbound Program ng high school ko habang ang sumunod ay ang karanasan ko ngayong nagdaang semestre.

-----

“Kapag umaakyat sa mga bundok, damang-dama niya ang panganib ng mga bangin. Pero alam din niyang dahil sa bangin kaya nagkakaroon ng ibayong kahulugan ang bawat pag-akyat.”


Ito na; ang huling field trip ko sa high school. Pupunta kaming Mt. Banahaw.

Ito na; ang huling klase ko sa Filipino sa kolehyio. Ito na rin ang ikalawang taon ko sa kolehiyo.

Sabi ng mga nakapunta na doon na mahirap akyatin ang bundok. Totoo raw na mahiwaga iyon kaya magdahan-dahan ako.

Sabi ng mga orgmates ko na mahirap ang Fil14 dahil ito ang pinakamaraming gagawin kumpara sa nakaraang Fil na klase. “Extra challenge” pa raw ito dahil Samar kami.

Aabot daw ng isang oras ang pag-aakyat, kung hindi ako titigil para magpahinga.

Isang semestre ang klase; halos 4 na buwan, kung hindi ako magoover-cut.

Gumising ako nang maaga para maaga kaming makarating at magsimulang umakyat sa Banahaw.

Kailangan kong gumising nang maaga tuwing Martes at Huwebes para makaabot sa 7:30 ng umaga.

Bago umakyat, pinagmasdan ko ang kagandahan ng bundok, tinignan ko ang hiking buddy ko, bumulong ng panalangin at sabi ko, ‘tara!’

Nang dumating na si sir, tinignan ko ang mga kaklase ko, bumulong ng panalangin at sabi ko ‘kaya ko ‘to!’

-----

“Habang tumataas, nawawala ang lubid, dumadalang ang mga volunteer, tumatarik ang bangin sa gilid. Sa bandang ibaba, kitang-kita pa na bato ang babagsakan. Sa itaas, hindi na tanaw kung saan pupulutin ang sinumang mawalan ng ingat.”


Totoo ngang mahirap ang pag-akyat; parang kailangan na magsanay ka muna bago ito gawin. Isang makitid na daan lang ito, kaya dapat hindi ka mawala sa linya mo. Matutulis ang mga bato, matarik ang aakyatan, at sobrang nakakapagod.

Totoo ngang mahirap ang Fil14; parang kailangan pa ng mas maraming pre-requisite courses bago ito kunin. Heto nanaman ang simple ngunit mahirap na point system ni Sir Samar. Kung ang iskor mo sa ehersisyo ay 69/100, 0.0 ang katumbas na grado mo.

Nagmukhang tumigil ang daloy ng oras dahil sa sobrang pagod ko. Naliligo na ako sa sarili kong pawis, habang dahan-dahan kong iniinom ang natitirang tubig sa bote ko. ‘malayo pa’, sabi ng mga kaklase ko na nauna sa akin. Sumasakit na ang mga braso at binti ko sa kaka-akyat. Kakayanin ko kaya ito?

Pakiramdam ko ay isang linggo na ang nakalipas kahit na Lunes pa lang dahil sa sobrang daming ginagawa at gagawin. Tuluy-tuloy lang ako sa pagtatrabaho pero parang patuloy pa ring dumarami ang kailangan ko pang gawin. Kasama na rito ang mga kailangang basahin sa Fil14. Hindi ko naman kayang pagsabay-sabayin lahat dahil walang magandang maibubunga rito. Minsan ay sumasakit pa ang ulo ko, kaya tinutulugan ko na lang ito, at magmamadaling tapusin ang mga gawaing-bahay paggising. Kakayanin ko kaya ito?

-----

“Habang umaakyat, walang salitaan silang apat. Buhos na buhos ang loob sa bawat hakbang.”


Wala ring salitaan sa aming magkakaklase habang patuloy na umaakyat sa Banahaw. Bawat hakbang ay binibigyan ko nang lahat ng lakas ko. Nakasalubong ko ang kaklase kong may hika, sabi niya nagpapahinga raw muna siya at baka atakihin siya. Naalala ko na may hika rin ako, kaya pinaalala ko sa sarili kong dahan-dahang umakyat.

Dumalang ang mga panahon na magkakasama kaming magkakaibigan na walang ginagawa. Nag-uusap na lang kami tuwing tanghalian sa cafeteria, at pagkatapos ay diretso na kami sa library para magbasa o mag-aral. Binuhos ko ang lahat ng kakayanin ko sa bawat klase ko ngayong semestre. Naalala ko noong Fil12 ay marami akong nakuhang 0.0 sa mga pagsasanay, kaya ngayon sinisikap ko nang magbasa bago magklase.

Parang umaakyat na ako papunta sa langit nang makita ko ang tuktok ng tatlong krus sa taas. Bigla akong nabigyan ng lakas para bilisan ko ang pag-akyat. Nagpalakpakan ang mga kaklase kong nasa tuktok na para tulungan kaming makaabot doon. Ngumiti na lamang ako at patuloy na umaakyat hanggang sa makasalubong ko ang mga krus.

Pakiramdam ko na patuloy na ako pupunta sa baba nang bumagsak ako sa Unang Mahabang Pagsusulit. Pero nakilala ko na si Sir Samar na nagbibigay ng mga bonus na gawain kapag maraming mabababa. Nabigyan ako ng pagkakataong itaas ang grade ko at bigla akong nabigyan ng lakas para tapusin ko ang nagdobleng trabaho sa limitadong oras. Nagtutulungan naman kami sa block tuwing may mga mahihirap na proyekto sa ibang klase. Nang makita ko na malapit nang matapos ang Setyembre, ngumiti na lang ako at patuloy na nagtrabaho hanggang ngayon.

-----
IMG_1283
“Tinanaw ni Daniel ang nakapalibot na bangin. Hindi niya maintindihan kung ano ba talaga ang dapat niyang maramdaman sa mga oras na iyon… nang nasa itaas na, ngiti lang ang ibinigay nila sa isa’t isa.”

166889_10150091837747622_1663018_n

Napakasaya ko nang naabutan ko ang tuktok ng Banahaw. Ito ang unang beses kong umakyat at makarating sa tuktok ng isang bundok. Ang mas maganda pa rito, nakita ko na ang tatlong krus na nagsisimbolo ng mga krus sa Kalbaryo. Naramdaman ko ang hiwaga ng bundok; nakakakalmang pagmasdan ang lalawigan ng Quezon at Laguna galing sa itaas at kasama ang mga krus. Parang sa kabila ng lahat ng paghihirap na dinanas ko pag-akyat, nawala ang pagod ko dahil alam kong kasama ko ang Diyos. Hay, ang ganda ng Bundok ng Banahaw.

Oktubre na. Kakakuha ko lang ng Ikalawang Mahabang Pagsusulit. Ito na rin ang pinakahuling blog post ko. Lahat na ng mga proyektong ginagawa ko ngayon ay may salitang ‘final’ sa pamagat. “Final lap” na ito kung ako’y nasa karera. Sa totoo lang, hindi ko pa alam kung naabutan ko na ang tuktok, pero nang inalala ko ang mga nakaraang paghihirap ko ngayong semestre, alam kong umakyat ako sa tamang daan. Sana masabi ko rin na masaya maging estudyante sa kolehiyo.
 
 
Fuji-chan =3
30 September 2012 @ 11:10 am
Noong naimbento ang transportasyon sa kasaysayan, bumilis ang pag-unlad ng mga sibilisasyon. Nagawa ang mga bangka at barko para daanan ang tubigan at bumilis ang pagpapadala ng mga kalakal sa iba’t ibang bansa. Nagawa ang mga kotse at ginamit ang mga kabayo para makalakbay sa lupain at nagkakaroon na ng daan sa damuhan dahil madalas na itong dinadaanan. Lumalakbay na ang mga tao para makaranas ng kakaibang kultura sa ibang lugar.

Ito ang daang nalilikha dahil na madalas na pagdaan dito; ito rin ang nalalarawang imahen sa tula ni Robert Frost na The Road Not Taken

Ang kalye, daan o kalsada ang paraan ng transportasyong panlupa. Depende sa kaayusan ng lugar ang kaayusan ng kalye. Dahil dito, maaaring makita ang uri ng pamumuhay ng mga tao batay sa kalagayan ng kalye.

1. Sa simpleng barrio sa probinsya, ang kalye roon ay hindi gawa sa aspalto, kundi gawa lang sa lupa. Malas ang mga bibiyahe rito tuwing uulan dahil magiging maputik ang daan. Kapag mataas naman ang araw, puro alikabok ang malalanghap mo. Kung gawa man sa aspalto ang kalye, makikita lamang ito sa lungsod, o sa kabisera ng probinsya. Pinapakitang mababa ang antas ng teknolohiya, simple at mabagal ang pamumuhay ng mga taong nakatira rito.

Ito ang karaniwang kalyeng tinatahak ng mga kababayan natin sa probinsiya. Maalikabok, mabato, at hindi maayos.

Ito naman ang mas maayos na daan, subalit madalas isang kotse lang ang kasya rito, at walang ilaw kaya madilim dito tuwing gabi.

Noong pumunta kami ng pamilya ko sa Ilocos Norte, isa lang ang kalye galing sa paliparan papunta sa lungsod; iisa lang din ang kalye paakyat ng bundok hanggang sa bahay ng mga lola ko. Kuwento ng isa kong lola na ganito na ang walang aspaltong kalsada noong bata pa siya, at naglalakad siya kasama ng mga kaibigan niya araw-araw para pumasok sa paaralan sa baba ng bundok.

IMG_3735
Ito ang daan sa Ilocos Norte. Maayos naman ito at may mga bato pa para lagyan ng hangganan ang kalsada. Kung makikita rin ay puro palayan ang nakapalibot sa kalye dahil ito ang kinabuhayan ng mga tao roon.

2. Kapag sa subdivision naman, maluwag, maayos at malinis ang kalye. Ito ay dahil ang subdivision ay isang pribadong lugar, at kontrolado ang kalinisan at kaayusan dito. Noong pumunta ako sa bahay ng kaibigan ko na nasa isang subdivision, nagmukhang malapad ang kalye dahil walang nakaparadang kotse, hindi tulad sa ibang masisikip na daan sa Maynila na may nakaparada sa magkabilang gilid. Ligtas din na lumabas ng bahay dahil sa mga nagbabantay na guwardiya sa pasukan at labasan ng subdivision, kaya lumabas kaming magkakaibigan at naglaro sa labas ng bahay.

52100_1602479496586_1896212_o
24866_416921063901_1702111_n
Sinubukan namin ang tanyag na larawan ng Beatles sa Abbey Road, ngunit naisip namin na walang papantay sa ginawa nila.

24866_416925263901_402042_n
Kahit sa harap ng bahay lang, o sakupin namin ang buong daan, walang problema dahil ligtas. Walang nagmamadaling sasakyan, walang kahina-hinalang tao sa lugar, at matiwasay ang kalagayan dito.

3. Ako ay nakatira sa public residential area na malapit sa ruta ng mga jeep, kaya minsan ay maingay at mausok ang kapaligiran dahil sa dami ng sasakyan na dumadaan. Dahil walang nagbabantay hindi tulad sa subdivision, madalas dinadaanan ang kalye namin ng mga magnanakaw at holdaper, lalo na ang mga nasa motorsiklo; kaya lumaki akong laging nasa bahay lang. Nakuwento sa akin ng nanay ko na isang araw may nanakawan na nagjo-jogging nang madaling araw. May dumaan lang na naka-motosiklo at hinablot agad ang iPod niya.

Ang kalye ay maaari lang umunlad kung umunlad din ang lugar. Siyempre, kung may pera na ang komunidad para ayusin ang mga kinakailangan, maaayos rin ang kalye. Kung makalalarawan ng pamumuhay ang kalye, baka makikita rin ang kalagayan ng bansa batay sa kalye.

Ang Amerika ay isa sa mga pinakamayaman at pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. Noong bumisita ang pamilya ko doon, napakalinis at maayos ang mga kalye nila. Pakiramdam kong ang sarap magmaneho roon dahil maluwag at hindi gaanong matrapik sa kalye. Sa mga highway naman, may labasan ito sa bawat lugar na dinadaanan nito, kaya mabilis makarating sa pupuntahan mo.

Kahit ang mga kalye nila sa probinsya ay napakaganda.

Kung akala mo dalawang kalye lang ang kasama sa intersection, nagkakamali ka.

Kung ikukumpara ang kalye roon at ang mga kalye sa Pilipinas, marami sa mga kalye dito ang baku-bako; at sa Maynila lang ito, dahil wala pang aspalto ang mga kalye sa mga probinsya. Simpleng halimbawa ang kalye na malapit sa bahay ko, Retiro. Laging may mga butas rito, kaya nagkaroon ng pag-aayos na proyekto noong simula ng taon. Nagkaroon ito ng matinding trapik dahil malapit ito sa simbahan. Nang dumaan ang sunud-sunod na mga bagyo, biglang natigil ang pag-aayos. Naiwan ang mga makina sa tabi ng daan, at naiwang mas malaki ang mga butas. Kaya ngayon, mas matindi ang naging kalagayan ng Retiro.

181144_10151363792268636_2051832004_n
Dahil sa mga butas sa kalye, nagkakaroon din ng matinding pagbaha rito tuwing umuulan nang malakas. Ito ay larawan ng intersection ng Retiro at Banawe na kumalat sa Facebook sa kasagsagan ng Habagat noong Agosto.

Kung ang karamihan sa mga kalye sa Pilipinas ay parang sa Retiro, paano na ang iba pang kalye sa bansa? Kung hindi kaya ng gobyerno na ayusin ang mga sira-sirang kalye dito, panno na kaya nila haharapin ang iba nilang responsibilidad?

Nagmumukhang ang kalye ay hindi lamang daan para sa transportasyon, kundi maaaring ito rin ang salamin ng tagumpay o kabiguan ng bansa. Totoo nga ang kasabihan na mas mahalaga ang paglalakbay kaysa sa pagdating sa pupuntahan. Kailangan ang mga kalye ay maayos para maging maayos din ang biyahe papunta sa matagumpay na bansa.

Sanggunian sa mga larawan:
Dorkmuffin.com. N.p., Sept. 2008. Web. 30 Sept. 2012. <http://dorkmuffin.com/wp-content/uploads/2008/09/forestpath5001.jpg>.
Facebook. N.p., n.d. Web. 30 Sept. 2012. <http://www.facebook.com/>.
Freefoto. N.p., n.d. Web. 30 Sept. 2012. <http://s3.freefoto.com/images/21/87/21_87_15_web.jpg>.
Joshweinstein.wordpress.com. N.p., Mar. 2010. Web. 30 Sept. 2012. <http://joshweinstein.files.wordpress.com/2010/03/walk-to-school.jpg>.
PCIJ. N.p., May 2009. Web. 30 Sept. 2012. <http://pcij.org/wp-content/uploads/2009/05/rural-road.jpg>.
Welovedc.com. N.p., Oct. 2009. Web. 30 Sept. 2012. <http://www.welovedc.com/wp-content/uploads/2009/10/Highway-1-Intersection-105-110-Los-Angeles-California.jpg>.

 
 
Fuji-chan =3
22 September 2012 @ 09:03 pm
Naging pamantayan na ng lipunan ang pag-iisip na magkaibang paksa ang sining at agham. Kapag sining ang pinag-uusapan, ang naiisip ay mga malilikhaing gawa tulad ng pagguhit, ilustrasyon, pagpinta, pagsusulat ng tula, maikling kuwento, nobela at marami pang iba. Imahinasyon ang pangunahing ginagamit para rito, kaya makikita ang malayang daloy ng mga ideya tulad ng pagiging abstrak. Kapag agham naman, mga saliksik, pag-aaral, at teknikal na salita ang naiisip. Ginagamit naman ang bahagi ng lohika sa pag-iisip ng mga tao dahil ginagamitan ito ng mga teorya at mga batas pagdating sa mga eksperimento at mga pag-aaral.

Subalit may napansin ako sa mga anyo ng sining noong araw. Ang mga pinta ni Fernando Amorsolo at Juan Luna at ang mga tula nina Balatagtas at Jose Dela Cruz ay parang may sistemang sinusundan; wala ang malayang daloy ng imahinasyon. Mayroon ding mga batas na sinusundan para sa paglikha ng sining.

---

Para sabihing maganda ang mga pinta noong araw, may mga batas na kailangang sundan. Kailangan tama ang brightness, contrast at kombinasyon ng mga kulay; dapat mayroong perspective: maliliit ang mga bagay sa malalayo habang malalaki ang mga malalapit na bagay. Naaalala ko pa ang laging sinasabi ng guro ko sa Practical Arts noong elementarya na lagyan ng mga lines of perspective bago simulan ang pagguhit. Mas maganda kapag nagmumukhang totoo ang mga detalye sa obra. Kung makikita sa mga ilang halimbawa, napakagaling ang pagsagawa ng kakayahan nila sa pagpinta.

Botong Francisco - first mass at limasawa
First Mass at Limasawa ni Carlos Botong Francisco

antipolo
Antipolo Fiesta ni Fernando Amorsolo

P1100514
Don Perez de Dasmarinas ni Felix Resurreccion Hidalgo

pakil-paete-angono-088
Angono Fisherman's Festival ni Jose "Pitok" Blanco

Alam mo ba? Mga kapitbahay ni Mang Pitok ang lahat ng tao roon. Pinuntahan niya sila isa-isa para ngumiti at maging modelo sa kaniyang pinta. Kung lumapit ka sa obra, makikita mo ang mga detalye at emosyon sa mga mukha nila.

Blanco Museum (52)

Blanco Museum (56)

Alam mo ba? Magagaling na pintor ang buong pamilya ni Mang Pitok Blanco. Naalala ko noong Grade 4 na pumunta kami sa bahay nila sa Angono na museo rin ng kanilang mga obra. (Pumunta ka rin! 312 B Ibañez Street, Angono, Rizal) Magaganda ang gawa nilang lahat lalo na ang bunsong anak ni Mang Pitok na si Peter Paul. Nakikita ko ang kaniyang hilig sa pagguhit sa murang edad, pati ang husay na kasama rito.

4675400450_7fc8aeb0f5_o
Ito ang gawa ni Peter Paul noong anim na taong gulang siya. Daig niya ang stick figures ko.

luna - spolarium
Spoliarium ni Juan Luna

Alam mo ba? Noong makita ko ang Spoliarium sa National Museum, napanganga ako sa sobrang laki at ganda ng obra. Halos isang bahagi ng kwarto ang laki, kaya naglalakad ako habang pinagmamasdan ang sugat at dugo sa sahig. Kitang-kita ko rin ang magandang paghahalo ng mga kulay para magmukhang sakit at takot ang emosyong naipapakita sa pinta. Pakiramdam ko ay kasama ako sa pighati at parusa na nararamdaman ng mga tao roon.

Kung mapapansin ay parang may karaniwang paksa ang mga pintang ito. Kung hindi kasaysayan, relihiyon ang ginagawang paksa. Dati kasi, ang paggawa ng mga malikhaing gawain ay pagkopya lamang ng kung anong nakikita ng mata nila, hindi kung ano ang nakikita ng isipan nila. Naalala ko ang puna sa akin ng guro ko nang pumunta ako sa summer classes para sa sining, "Draw what you see, not what you think." Hindi nasusunod dito ang paggamit ng imahinasyon sa tao. 

---

Kapag gagawa ng malikhaing gawa gamit ng mga salita, may mga batas din na sinusundan. Para maging tula, kailangan may tugma ang dulong salita ng bawat taludtod, at may sariling batas pa para rito. Hindi lang dulong salita ang pinapansin kundi pati ang pagpapantig ng mga taludtod. Pitong pantig bawat taludtod ang Tanaga habang walo sa Dalit; ang Tanaga ay hango sa tulang Hapon na Haiku, habang tulang pagpupuri sa Diyos ang Dalit. Walong pantig din ang Korido habang labindalawa ang sa Awit; ang dalawang ito ay mahabng kuwento na patula. Noong panahon nang hindi pa tayo sinakop ng mga Kastila, mga pabigkas na akda ang pinakamaagang malikhaing gawa gamit ng mga salita. Ito ang mga bugtong, salawikain at epiko; may mga batas pa rin itong sinusundan para maging tanggapin ang mga ito.

Ang pinakasikat na Awit ay ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, habang ang pinakasikat na Korido ay ang Ibong Adarna ni Jose Dela Cruz. Namamangha ako at nagagawa nilang ikabit ang kanilang mga sasabihin sa saktong bilang ng pantig.

Sipi mula sa Florante at Laura (Para Sa Babasa Nito)
Salamat sa iyo, o nanasang irog,
kung halagahan mo itong aking pagod,
ang tula ma'y bukal ng bait na kapos,
pakikinabangan ng ibig tumarok.
Kung sa biglang tingi'y bubot at masaklap
palibhasa'y hilaw at mura ang balat
ngunit kung namnamin ang sa lamang lasap,
masasarapan din ang babasang pantas.

Sipi mula sa Ibong Adarna (Pagpapatuloy Ng Mga Pagsubok)
Pinawalan na ngang lahat
parang isdang pumupusag,
Haring Salermo'y naghayag
ng ganitong bagong antas:

"Sa aking pag-aagahan
sa umaga'y kailangang
mga Negrito at datnan
sa hapag kong kinakanan."

Alam mo ba? Maraming tao ang nagpapagawa ng mga liham ng pag-ibig kay Jose Dela Cruz dahil sa galing niya tumula. Ang tanging bayad na hinihingi niya ay sisiw, kaya binansag siya na "Huseng Sisiw". Siya rin ang guro at nagpukaw kay Balagtas sa pagtutula.

Ang bugtong ay ang Pilipinong bersiyon ng mga palaisipan. Patula ito at kailangan ang "pag-iisip sa labas ng kahon" para sagutin ang mga ito. Nakagugulat isipin na ang mga pabigkas na akda tulad nito ay ginagamit pa rin hanggang ngayon. May mga tindahan ng libro na mayroong mga libro para sa bata na puro bugtong at salawikain ang nilalaman. Hindi ko rin makakalimutan ang mga panahon dati noong nagtatanong o sumasagot kami ng mga kaibigan mo ng mga bugtong.

Palda ni Santa Maria. Kulay ay iba-iba. (Bahaghari)
Dalawang batong itim, malayo ang mararating. (Mata)
Sa isang kalabit, buhay ang kapalit. (Baril)

---

Tulad ng agham na may mga teknikal na batas para maging maayos at malinis ang paggawa ng mga eksperimento, ganito rin ang paggawa ng mga malikhaing gawain. Nagbago na lang ang kahulugan ng sining pagdaan ng panahon na puwede na ito maging abstrak at magulo. Baka hindi talaga gaanong magkaiba ang sining at agham.

Sanggunian:
"Angono's Art Museums: The Blancos." ~manila, You're Not That Ugly. N.p., 13 June 2010. Web. 22 Sept. 2012. <http://manilarat.montalut.com/2010/06/angonos-art-museums-the-blancos/>.
Balagtas, Francisco. "Pagpapatuloy Ng Mga Pagsubok." Ibong Adarna. Quezon City: Phoenix House, 2011. 674-706. Print.
"Fernando Amorsolo." Wikipedia. Wikimedia Foundation, 19 Sept. 2012. Web. 22 Sept. 2012. <http://en.wikipedia.org/wiki/Fernando_Amorsolo>.
"Florante at Laura/Kabanata 2." Wikibooks. N.p., n.d. Web. 22 Sept. 2012. <http://tl.wikibooks.org/wiki/Florante_at_Laura/Kabanata_2>.
"Mga Halimbawa Ng Bugtong." Mga Halimbawa Ng Bugtong. N.p., n.d. Web. 22 Sept. 2012. <http://pinoykultura.com/20090724/mga-halimbawa-ng-bugtong/>.
"Sights: National Museum-National Art Gallery & Luneta Park." Sights and Spices. N.p., 24 Aug. 2012. Web. 22 Sept. 2012. <http://sightsandspices.blogspot.com/2012/08/sights-national-museum-national-art.html>.
"SkyscraperCity." SkyscraperCity. N.p., 7 Sept. 2009. Web. 22 Sept. 2012. <http://www.skyscrapercity.com/showpost.php?s=3afdcc92083493a342bc98e09bcce977>.
"This Old House." The Blanco Museum in Angono Rizal. N.p., 5 Sept. 2011. Web. 22 Sept. 2012. <http://freakofnaturezzz.blogspot.com/2011/09/blanco-museum-in-angono-rizal-part-3.html>.